Sunday, January 22, 2012

Isang Aspekto ng Dula (hango sa dulang "R.I.P")

         
            Noong nakaraang Sabado, ika-21 ng Enero, nanood ako kasama ng aking mga kaklase nang isang dula sa aming unibersidad na pinamagatang “R.I.P”. Noong una, hindi ko mawari kung bakit ganoon ang pamagat ng dula samantalang isa itong dulang komedya ayon sa mga kaibigan kong nakapanood na nito. Hindi ko rin noon masyadong maunawaan ang istorya ng dula, ngunit paglaon at lalo na noong katapusan, aking napagtanto na ito pala ay isang satire na kung saan ipinakikita ang mga pagbabago nang uri ng mga palabas sa Pilipinas at unti-unting pagkamatay ng mga palabas na gawang Pilipino, kasama  na rito ang patuloy na pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga dayuhan at pangkanluraning mga palabas.
            Maganda at malinaw ang pagsasadula ng “R.I.P”, hindi lang dahil sa pinaghandaang disenyo ng tanghalan, ngunit pati na rin ang mga kasuotan at lalo na ang mga nagsiganap. Bukod dito, kakaiba rin ang paraan ng pagkakatanghal nito sapagakat mayroon itong interaksyon sa mga manunuod. Sa dulang ito, animo’y nakikipag-usap at parte ng aktuwal na palabas ang mga manunuod, kung kaya naman ito ay naging mas kagiliw-giliw at nakuha nito ng maigi ang atensiyon ng mga tao.
            Isang mahalagang aspekto ng dula ang tema, sapagkat dito umiikot ang istorya ng dula at mga gaganaping eksena. Ngunit, kahit gaano pa kaganda at makahulugan ang tema ng dula, hindi pa rin ito makasasapat sa tagumpay ng dula kung hindi maayos at mahusay ang paraan ng pagsasadula o pagkakaganap. Hindi rin ito makukuha lang sa galing ng mga artistang magsisiganap, ngunit sa kung paano ipapalabas ang dula o isang kakaibang paraan upang makuha nito ang simpatiya ng mga manunuod.
            Kaakibat ng pagsasadula ay ang istayl kung paano ito itatanghal. Karaniwan, ang paraan ng pagtatanghal ay nasa loob lamang ng isteyds o telon, walang partisipasyon ang mga manunuod maliban sa manood at making sa mga nagsisipagtanghal. Ngunit, ang paraang ito ay luma na at medyo nakababagot na para sa mga kontemporeneong biyuwers. Isang dahilan nito ay masyado nang gamit ang istilong ito at pangalawa, dahil sa labas ang mga manounuod sa dula, hindi napapalalalim ang koneksyon ng mga nanunuod sa mismong dula. At ito ay isang mahalagang parte para sa ikatatagumpay ng palabas. Kailangang “mapa-ibig” o magkaroong ng relasyon ang mga manunuod sa dula nang sa gayo’y mas lalo pang tangkilikin ng mga manunuod ang dulang itinatanghal at siyempre hindi naman masayang ang ilang linggong iniukol ng mga artista at produksiyong nagsipaghanda para rito na hindi naman pala papansinin ng madla.
            Pagdating naman sa pagtataguyod ng koneksyon mula sa mga manunuod at dula, importanteng lahat ng karakter sa isang eksena ay may ginagawa sa ibabaw ng isteyds, maging extra man o hindi, importanteng lahat ay may galaw maliban na lamang kung bahagi nang karakter nila ang huwag gumalaw. Subalit, kung hindi naman, napakahalagang lahat ng tao sa isang eksena ay kumikilos upang maipakita na buhay ang eksenang ipinapalabas at maging kaaliw-aliw din dahil makikita mo na ang buong entablado ay isang malaking iskrin na daynamik.
            Bukod sa mga ito, mahalaga rin sa pagtataguyod ng relasyon sa mga manunuod na sila ay nakauugnay sa mga nangyayari sa dula. Dapat angkop ang dula sa mga taong manunuod nito. Kung kabataan ang mga manunuod at sinauna naman ang istoryang itatanghal, dapat lagyan ito ng “twist” o di kaya’y ilang bagay o eksena na mag-uugnay sa dalawa dahil ito ang magsisiklab ng interes sa mga biyuwers.
           Marami ang mga aspektong dapat sukatin sa pagtatanghal ng isang dula ngunit isang aspekto nito na mayroong malaking papel sa makabuluhan at matagumpay na dula, na siyang aking tinalakay nang panandalian ay ang tema ng dula. Hindi lang ito basta isang konsepto ng istorya ngunit, ang metodolohiya na kinakasangkapan sa paraan ng pagpapahayag ng mensahe ng tula at sa pagkakaganap nito, maging ang pagbuo ng relasyon ng mga manunuod sa buong dula.
            Mabalik sa “R.I.P”, masasabi kong ito ay isang pagtatanghal sa loob ng isang pagtatanghal. Ito ay dahil ang mismong istorya ay ukol sa paghahanda para sa isang pagtatanghal habang sila mismo ay nasa loob ng isa pang mas malaking tanghalan. Ikalawa, ang dulang ito ay malaman at makabuluhan hindi lang sa pagiging isang “satire” nito ngunit maging ang artistikong direksiyon, produksiyon, pagkakabuo ng konsepto at ang pagtawid nito mula sa hangganan ng dula patungo sa mga manunuod. Binuwag nito ang pader na naghihiwalay sa mga nagtatanghal at manonood sa pakikisalamuha ng mga karakter sa mga audience na siya namang nagpabuti sa pagiging kakaiba ng dula. 
          Marami pang elemento ang dula na tumutulong sa pagpapaganda at pagpapahusay nito ngunit ang natatangi at artistikong tema at paraan ng pagtatanghal ay isang malaki at impluwensiyal na faktor sa ikatatagumpay ng buong dula.



http://theaterbator.blogspot.com/2012/01/ateneo-entablados-rip-at-la-india.html